Mali-gayang pasko: Limang daan

‎‎‎‎

Written by:

Apat na buwan ang hinintay, nagsimula na ang countdown — 
Isang daan na araw na lang Pasko nanaman muli.
Palapit nang palapit sa araw na iyon, ang hangad sanang noche buena ng masa
Unti-unting nagkaleche leche, naging leche buena pa ang lasa

Limang daan? 
Paano ipagkakasya ng isang pamilya? 
Paano magsasalo-salo ng masaya’t matiwasay?
Masaya? Masagana? Matiwasay na Pasko; wala na, ninakaw na ito ng mga sakim na naghahari-harian.

Hiling ng taong-bayan, ngayo’y naririnig niyo ba? 
“Ikulong na yan mga kurakot” o kaya ang sigaw ‘man lang ito
“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban”
Nawala na ang MALIGAYA sa salitang maligayang Pasko,
kung sila ngayo’y nasa seldang may laya.

Hanggang kailan magtitiis ang mga mamayang Pilipino.
Hanggang kailan magpapaniniwala sa mga salitang may loko.
Hanggang kailan tayo magbubulag-bulagan sa mga politiko.
Habang tayo’y nagdurusa, sila’y nagpapakasaya sa kanilang trono.

Tayo’y nakagapos—
Nakagapos sa’tin maling desisyon — ibinoto sila? 
Hindi na muli ito mauulit.
Ilan Pasko na ang nagdaan — hindi na sila magbabago pa. 
Bagong panuntunan ang dapat mangyari.

Isabit na ang mga palamuti sa bahay at sa kalye.
Ito ang liwanag na tatanglaw sa bayang naghihinagpis at pinagnanakawan.

Parol na bibighani sa mga tao.
Parol na magbibigay liwanag sa daan.
Ito ang magiging susi para sa daan may kumpiyansa.

Sa kabila ng lahat, debosyon ng masa magdasal, mananampalataya.
Simbang gabi — Siyam na gabi, sakripisyo ng mga deboto, sa kanya inaalay.
Mga batang nagsasaya; ito sana ang Pasko ng nararamdaman ng lahat — matiwasay at may ligaya.

Nasaan na kaya ang himig ng Pasko — nakasanayang Disyembre masaya’t maligaya.
Isa na lamang ba itong palamuti sa kahapon; hindi na ba ito makakamtan muli?
Habang sila’y nabubusog, kami ay nagugutom kahit na Pasko.
Wala na ba talagang saya ang Pasko — tila nag-iba na anyo ng Pasko sa pinas.

Umaasa na ang susunod na Pasko ay hindi na leche buena,
Sana ito ay maging noche buena; 
Mayaman man o mahirap, may pinagsasaluhan.

ni George Cheng

Leave a Reply


Discover more from The Access Point

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading