Mga Buhay na Kinagisnan

‎‎‎‎

Written by:

Buntong hininga kaliwa’t kanan ay dinig sa magkabilaang upuan ng pribadong jeep na inuupahan ng paaralan mula sa siudad ng Angeles. Huminto ang biyahe sa kalagitnaan ng trapiko, pinasigla ni Ginang Jona ang mga estudyanteng impis ang ekspresyon, nangangako ng isang paglalakbay na puno ng karunungan. Inis na buntong-hininga si Maria at lumingon sa bukas na bintana. Si Prince ay umikot ang mga mata sa palatandaan ng inaasahang pagkabagot. Tulad ng lahat, nanatili si Gina sa pagkakaupo para lamang sa pagtupad sa kinakailangan sa pagtatapos.

Nakarating ang jeep sa munting tahanan ng mga ulilang matatanda, at inilapag ng seksiyong Agila ang mga kaha ng mga gamit pang medikal at kalinisan pangkatawan sa bagong pinturang pasukan ng gusali. Isa-isang umalalay sa tig-isang matanda ang mga estudyante, at kinausap ang mga ito sa matimtimang paraan. Sa bawat pag-uusap, tila may binhing itinatanim—binhi ng pag-asa, inspirasyon, at pagkilala sa mga bayaning hindi nakikita.

Si Gina ang naka-antabay kay Lola Ferrer. Nakwento ni Lola Ferrer ang mga araw niya bilang guro nang makita si ginang Jona na puno ng buhay. Sa isip ni Gina, si Lola Ferrer ay nabuhay sa hamak na tungkulin. Ayon kay Lola, mababa man ang naging turi sakaniya, pero hindi naging labis ang kaniyang responsibilidad bilang tagapagbigay kaalaman. Sa simpleng pagtuturo, hinubog ni Lola Ferrer ang mga batang naging doktor, abogado, inhinyero—mga bayani sa kani-kanilang larangan.

Si Prince naman ang bantay ni Lolo Saul na dating nars sa pampublikong ospital sa Mindanao. Natanong ni Prince ang dahilan ni Lolo sa pananatili sa Pilipinas kahit balitang-balita ang mas malawak na oportunidad ng mga nars sa dayuhang bansa. Ang unang nagbukas sa mga mata ni Lolo ay ang pagsalanta ng bagyong Louise noong isang libo’t siyam na daan at anim pu’t apat—noong nagsisimula pa lang si Lolo sa larangan ng medisina. Noong panahon na iyon, napakarami ang kailangan gamutin dulot ng sakuna, ngunit humigit sa bilang ang mga medikong tumulong. Nalaman niya na nagsipagalisan ng bansa ang mga kaklase sa kolehiyo, at naisip niya ang kinabukasan ng medisina sa Pilipinas kung wala na ang matitira pang gagamot sa mga Pilipino. Nabigyan ng mahalagang layunin ang kaniyang buhay, at sa pagtitiyaga ni Lolo Saul, libu-libong buhay ang kaniyang nailigtas—tunay na bayani sa gitna ng paghihirap.

Nakausap ni Maria ang isang matandang bisita ng tahanan na nagpakilala bilang doktor ng mga naninirahan. Si Doktor Lapiz na sa gitna ng abalang iskedyul ay madalas parin dumalaw sa tahanan ng mga matatanda. Ani niya, sa oras na tumuntong siya sa edad na pitumpu’t anim, naalala niya ang kaniyang kabataan bilang ulila. Sa pagtanda ni Doktor Lapiz, nalimot niya ang tunay na saysay ng propesyon bilang tagapagbigay tulong at pinamahalaan siya ng mithiing magpakayaman. Ngunit para sa kaniya, may pagkukulang na hindi mabibili ng pera na nahanap niya sa pagtulong sa mga ulilang bata at matatanda. Sa paglilingkod ni Dr. Lapiz, natagpuan niya ang tunay na kahulugan ng pagiging doktor—hindi lamang tagapagpagaling ng katawan, kundi tagapagbigay ng pag-asa at kalinga.

Nagpulong muli ang mga estudyante sa jeep pagsapit ng alas ocho ng gabi. Nagbigay ng patapos na mensahe si Ginang Jona. Nais niyang itatak sa kaalaman ng mga estudyante na napilitan o nagkusa, nagpakita at nakinig; na ang kabataan na hindi kinikilala ang mga buhay na kinagisnan, tatanda ng walang pakiramdam na katuparan. Ang mga nakasalamuhang beterano sa bahay ng mga matatanda ay mga bayaning nakatayo sa tabi ng mga kilalang pambansang bayani tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio na nagpakita ng katapangan at pagsasakripisyo sa sarili alang-alang sa kapakanan ng kanilang bansa. Tayo ay mga ahente ng pagbabago. Ang ating pamana ay dapat sentro sa pagiging mga bayani sa mga buhay na ating naantig.

Tinignan ni Maria si Gina at ngumiti. Si Prince naman habang inaalala ang mga salita ni Ginang Jona noon, ay napangiti na lang rin. Sa kasalukuyang pagsasama ng mga magkakaibigan at magkakaklase na dating pinunuan ni Ginang Jona, iyon ang tanging aral na tumatak sa kanila bilang mga kasalukuyang propesyonal.

Ni Gab Dizon

Leave a Reply


Discover more from The Access Point

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading