Sabi nila’y kailangan natin matuto ng Ingles
Para daw tayo’y makalipad at makaalis
Sa bansang puno ng pighati’t hinagpis;
Sa sistemang bulok at panis.
Inang wika mula Batanes hanggang Julo,
Unti-unting pinapatay ng wikang dayuhan;
Para daw sa’ting pangkabuhayan
Kaya’t tayo’y maging handa na iwan ang Inang Bayan.
Hanggang sa makalimutan ang wikang pambansa.
Pati ang wikang sinilangan.
Hanggang sa kulturang kinagisnan
Ay unti-unting napapalitan.
Hanggang sa makalimutan ang Inang Bayan,
Pinagpalit and lengwahe’t kultura
Para sa ginhawa’t pera.
‘Di ito isang jeep na pwedeng pumara.
Kailangan talaga natin matuto ng Ingles
Para tayo’y magkaroon ng koneksyon
Sa iba’t ibang dayuhan mula sa ibang nasyon.
Para matuto’t at makagawa ng solusyon.
Solusyon sa bulok na bansa’t sistema
Na magpapalinis sa inang bayan
At maghihikayat sa’ting kababayan
Na mahalin ang wikang sinilangan.
Tula ni Paulo Paras





Leave a Reply